-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Plano ng Department of Education (DepEd)-Division of Bacolod City na 15 estudyante lamang ang papayagang makapasok sa isang classroom sa pagbubukas ng school year 2020-2021 sa Agosto 24.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Schools Division Superintendent Gladys Amylaine Sales, ipapatupad ang 15 students per classroom sa elementarya habang 20 students per classroom naman sa high school upang mapanatili ang physical distancing.

Maglalagay din aniya ang mga paaralan ng wash areas na magamit ng mga estudyante kung saan 10 mag-aaral ang gagamit sa iisang gripo.

Lilimitahan din ang bilang ng mga araw na magre-report ang mga ito sa paaralan dahil bibigyan sila ng assignment na gagawin sa bahay na puwede namang idaan sa online o idownload at sasagutin offline.

Ayon kay Sales, tinatayang 10% lamang ng mga estudyante sa Bacolod City ang handa para sa online learning habang 30 porsyento naman ang mga guro na handa rito dahil sa kakulang ng gadget at internet connection.

Nabatid na ikinokonsidera ng DepEd ang paggamit ng lahat ng mga paraan upang makapagpatuloy ang mga estudyante sa pag-aaral sa kabila ng COVID-19 pandemic.