KALIBO, Aklan – Nakapagtala ang Provincial Health Office (PHO)-Aklan ng kabuuang 15 fireworks related injuries mula December 21 hanggang January 2, 2022.
Sinabi ni Dr. Cornelio Cuatchon, Jr. ng PHO-Aklan, lima pa ang nananatiling naka-confine sa pagamutan matapos magtamo ng blast injuries habang isa ang isinailalim sa amputation sanhi ng matinding sugat sa kamay.
Sa kabilang dako, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Aklan Police Provincial Office (APPO) sa dalawang naitalang insidente ng ligaw na bala sa pagsalubong sa Bagong Taon sa probinsya.
Ayon kay PSSGT Jane Vega, tagapagsalita ng APPO masuwerte namang walang nasugatan nang tamaan ng ligaw na bala ang bahay ng mag-asawang Mateo at Thelma Robiso sa Barangay Linabuan Norte, Kalibo.
Sinasabing tumagos ang bala sa nabutas nilang bubungan at kulambo at dumiretso sa kanilang higaan.
Ayon naman kay Mrs. Herbeth Antonino Vargas ng Barangay Laguinbanua East, Numancia, ang anak niya ang nakakita ng bala sa kanilang kusina na pinaniniwalaang tumagos sa screen door at dumikit sa kahoy na pinto.