LEGAZPI CITY – Pagtutok sa pagpuno sa mga bakante pang posisyon sa pamahalaan ang panawagan ngayon ni Civil Service Commission (CSC) Commissioner Aileen Lizada.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Lizada, nabatid na nasa 150,000 ang unfilled spots sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa buong Pilipinas kung saan mayroong record sa kada rehiyon.
Kawawa kasi aniya ang mga nananatili pa sa job orders at contract-of-service employees na mahigit 20 taon na ang iba, subalit hindi pa ma-absorb at ma-regular sa trabaho.
Imbes na nakatutok lamang sa organizational structure at staffing patterns kung mag-rightsize, kailangan ding bigyang atensyon ayon kay Lizada ang mga unfilled positions.
Dagdag pa ng opisyal na nasa 600,000 ang mga JOs at COS sa bansa kung saan pinakamaraming bilang ang nasa lokal na pamahalaan.
Ipinasilip pa ni Lizada ang mga aktibong posisyon hindi lamang ang rank-and-file kundi sa mga opisyal lalo na ang report sa Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs) na paulit-ulit ang vice-presidents.
Suhestiyon pa ni Lizada na kung hindi naman kailangan ang isang partikular na posisyon, buwagin na lamang dahil mayroong inilalaang pondo sa posisyon na wala namang tao.