Pumapalo na sa 150 Pilipino ang na-displace sa nagpapatuloy na wildfires sa Los Angeles, California USA na kumitil na sa buhay ng 24 na katao.
Sa isang panayam, iniulat ni LA Consul General Adelio Angelito Cruz na kabilang ang naturang mga Pilipino sa kinailangang isailalim sa mandatory evacuation.
Kasalukuyan din aniyang nakikipag-ugnayan ang Konsulada sa mga Filipino-American community doon.
Inamin naman ng Consul General na may ilang mga Pilipino sa LA ang undocumented at iilan lamang ang mayroong insurance.
Subalit, tiniyak ng PH official na prayoridad ng California authorities na maisalba ang sinumang nangangailangan ng tulong kahit sila man ay hindi dokumentado.
Sa parte naman ng gobyerno ng Pilipinas, sinabi ni Consul General Cruz na nabigyan siya ng awtoridad mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) na magbigay ng pinansiyal na tulong na $200 o katumbas ng P11,731.20 bilang emergency assistance para sa bawat apektadong Pilipino pambili ng kanilang pangunahing pangangailangan tulad ng medical supplies bukod pa ito sa pagbibigay kalaunan ng bagong trabaho at bagong lugar na matutuluyan.