BACOLOD CITY – Aminado ang hepe ng Moises Padilla Municipal Police Station na unti-unting nang humuhupa ang kaba ng mga residente sa bayan kasunod ng serye ng pagpaay sa ilang konsehal.
Nabatid na dalawang incumbent at re-electionist councilors sa Moises Padilla, Negros Occidental ang pinatay at ang pinakahuli rito ay ang nangyaring ambush sa convoy ng bise alkalde na ikinamatay ni Councilor Michael Garcia.
Ayon kay Police Captain Junjie Liba, natuwa ang mga residente sa pagdating ng mga sundalo sa bayan.
Umaabot sa 150 na mga sundalo mula sa 303rd Infantry Brigade ang ipinadala bilang augmentation kasunod ng ambush nito lamang Abril 25.
Ayon kay Liba, sa Mayo 1 pa sana ang deployment ng mga sundalo ngunit pinaaga ito kasunod ng krimen.
Umaasa naman si 303rd IB commander Brigadier General Benedict Arevalo na gagawin ng mga sundalo ang lahat upang sila ang may kontrol sa bayan at hindi ang mga miyembro ng New People’s Army.
Nabatid na inirekomenda na ng Provincial Joint Security Coordinating Center ng Negros Occidental na isailalim sa Comelec control ang Moises Padilla dahil sa serye ng pagpamatay.
Ang nabanggit na bayan ay nasa red category ng election hot spot areas habang nalalapit ang eleksyon.