Tiniyak ni Philippine Ambassador to Russia King Sorreta na sigurado na ang pagdating bukas ng 15,000 doses ng Sputnik V COVID-19 vaccines matapos na umalis kahapon ang eroplano sa Moscow.
Una na itong na-postpone nitong nakalipas na araw dahil sa isyu ng logistical availability.
Ayon sa ambassador, ang pagdating sa May 1 sa Pilipinas ng first shipment ay panimula lamang at sa mga susunod linggo at buwan ay marami pa ang darating.
Nagkaroon na rin ng turnover sa embahada ng Pilipinas sa Moscow bago umalis ang naturang shipment.
Una nang sinabi ng Department of Health na ang first batch ng Sputnik V ay gagamitin sa simulation o sa practice.
Sinasabing masyadong maselan ang bakuna mula sa Russia dahil kailangan nila ang cold storage na sub-zero temperature o negative 18 degrees o kaya mas mababa pa.