-- Advertisements --

Aabot sa 150,000 MT ng bigas mula sa kanilang buffer stock ang nakatakdang i-distribute ng National Food Authority sa sandaling tuluyang ideklara ng Department of Agriculture ang national food security emergency.

Ayon sa DA, target ng NFA na ilabas ang nasa 3 million 50-kilogram bags ng bigas sa loob ng anim na buwan sa mga lugar kung saan mataas ang presyo ng bigas.

Plano rin ng NFA na bumili ng karagdagang supply ng palay sa halagang P23 per kilo sa susunod na buwan.

Isasabay ito sa panahon ng anihan na magsisimula sa kalagitnaan ng buwan ng Pebrero.

Kumpyansa si NFA administrator Larry Lacson na makatutulong ang pagpapalabas nila ng stock ng bigas para mapababa ang presyo ng bigas sa mga pamilihan sa buong bansa.

Mandato naman ng NFA na imantine ang 15-day rice buffer stock na magmumula naman sa mga ani ng mga lokal na magsasaka.