-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Nanguna ang lokal na pamahalaan ng Pigcawayan, Cotabato katuwang ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ukol sa implementasyon nang pamamahagi ng Emergency Subsidy Program under the Social Amelioration Program (ESP-SAP).

Umaabot sa 1,509 pamilya mula sa siyam na barangay na grabeng naapektuhan sa enhanced community quarantine sa bayan ng Pigcawayan ay tumanggap ng cash assistance mula sa pamahalaan.

Ang siyam na mga barangays na tumanggap ng SAP cash aid at bilang ng mga pamilya na tumanggap ng ayuda ay kinabibilangan ng Barangay Datu Mantil 118 na pamilya, Malagakit 134, Banucagon 243, New Panay 209, New Igbaras 126, Payong-Payong 170, Renibon 212, Anick 205 at Brgy Molok 91.

Bukod dito, inaasahan na mapabilis ng LGU-Pigcawayan ang pamamahagi ng SAP sa mga pinaka-mahirap na pamilya ng Pigcawayan alinsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ang gobyerno ng Pilipinas ay naglaan ng P200-bilyon na emergency package para sa mga kababayan na may mababang kita upang matulungan silang malampasan ang krisis.

Sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act, bawat benepisyaryo ay makakatanggap ng tulong mula P5,000 hanggang P8,000 ngayong buwan ng Abril at Mayo batay sa minimum wage sa rehiyon.