Nangako si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na dudurugin at sisirain ang mga militanteng grupo kasabay ng unang anibersaryo ng Hamas invasion sa Israel na sumiklab noong Oktubre 7, 2023.
Sinabi din ni Netanyahu sa kanilang mga tropa na makakamit ng Israel ang tagumpay laban sa mga militante sa Gaza strip at Lebanon at pinaghanda ang mga ito na maglunsad ng strike laban sa Iran.
Inihayag din ni Netanyahu na sa loob ng 1 taon dumanas sila ng matinding dagok at sa nakalipas na 12 buwan, ganap na umano nilang nabago ang reyalidad.
Ginawa ni Netanyahu ang pahayag kasabay ng kaniyang pagbisita sa Lebanon border.
Samantala, sa panig naman ng Hamas, tinawag ng grupo ang kanilang inilunsad na October 7 attack bilang “glorious” at sinabing gumagawa ng bagong kasaysayan ang Palestinians sa kanilang laban.
Nagresulta nga ang naturang pag-atake ng Hamas sa pagkasawi ng mahigit 1,200 katao sa Israel na karamihan ay mga sibilyan at binihag ang dose-dosenang indibidwal at dinala sa Gaza.
Bilang paggunita sa mga nasawi sa malagim na massacre, nag-alay ng dasal, musika at mga kandila sa Tel aviv nitong Linggo ang mga mahal sa buhay ng nasa 370 katao na pinatay sa Nova festival massacre sa Negev desert.