-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Matagumpay na isinagawa ang mass contract signing para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced / Disadvantaged Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Abot sa 1,524 benepisyaryo ang sumailalim sa oryentasyon at pumirma ng kontrata na nagmula sa mga bayan ng Aleosan, Pigcawayan, Pikit, Tulunan, Mlang, Matalam, Antipas, Pres Roxas at Kidapawan City.

Sa mensahe ni Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza, ipinaabot nito na ang pamahalaang panlalawigan ay handang tumulong sa sinumang nangangailangan.

Nagpaalala rin ang gobernadora sa mga benepisyaryo na pagbutihin ang kanilang sampung araw na serbisyo sa komunidad at gamitin sa tama ang perang matatanggap. Aabot sa P3,680.00 bawat isa o 368 bawat araw ang nakalaan para sa mga benepisyaryo.

Ang TUPAD ay flagship program ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pakikipagtulungan ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng liderato ni Governor Mendoza at TUCP Partylist Representative Raymond Democrito Mendoza na naglalayong tulungan ang mga nawalan ng hanapbuhay sa panahon ng pandemiya.

Nagsagawa din ng TUPAD orientation kahapon sa bayan ng M’lang at Tulunan, Cotabato kung saan personal ring nagpaabot ng kanyang pagbati sa mga napiling benepisyaryo ng programa si 3rd District Representative Ma. Alana Samantha T. Santos.