-- Advertisements --

Mamamahagi ng higit P465 milyong pisong halaga ng social pension ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga senior citizen mula sa programang Social Pension for Indigent Senior Citizens sa Legazpi, Albay sa Bicol Region.

Ayon sa tagapagsalita ng DSWD Region V na si Cristina Llena, makakatanggap ang mahigit 155,292 senior citizens mula noong Enero hanggang Setyembre ngayong taon ng mga pensyon sa ilalim ng naturang programa.

Para naman sa 4th quarter, patuloy ang pagsasagawa ng ahensya ng payouts sa iba’t ibang mga local government units sa buong bansa para sa maayos na pamamahagi nito sa mga benepisyaryo.

Base naman sa datos ng DSWD, simula Nobyembre 27 ay nakapamahagi ng higit P115.5 milyon ang ahensya sa 38,503 na mga benepisyaryo sa Albay. Habang P41.5 milyong pisong halaga naman ang naipamahagi sa mga matatandang residente ng Camarines Norte na aabot sa 13,852.

Samantala, patuloy naman ang DSWD at mga regional offices nito sa pagsasagawa ng mga house visits para masigurong tama ang mga impormasyon na ibinabahagi ng mga ito.