Nakapagtala ang Interior and Local Government (DILG) nang 158 na reklamo ng vote-buying, vote-selling, at pang-aabuso ng yaman ng gobyerno laban sa mga kandidato sa halalan.
Ayon kay DILG Assistant Secretary Jesi Lanete, 16 sa mga reklamo ay may kinalaman sa pamamahagi ng “ayuda,” na ipinagbabawal sa panahon ng halalan.
Pinakamataas dito ang bilang ng reklamo sa Rehiyon IV-A na may 31 kaso, sinundan ng Rehiyon III na may 30, at National Capital Region (NCR) na may 24 na reklamo.
Batay sa Section 33 ng Comelec Resolution 11104, ang pamamahagi ng ayuda ng mga kandidato, kamag-anak, o mga tagasuporta ay itinuturing na isang uri ng vote-buying.
Nagpahayag naman ng suporta si DILG Secretary Jonvic Remulla sa kampanyang “Kontra Bigay” ng Comelec, at sinabing kailangan itong samahan ng “Kontra Tanggap” upang masugpo ang vote-buying at vote-selling.
Samantala inutusan na ng Comelec ang 29 lokal na kandidato na magpaliwanag tungkol sa mga reklamo laban sa kanila.
Binigyan-diin naman ni Lanete na ang mga kandidato at botante ay kailangang sumunod sa mga patakaran ng Comelec, at ang mga lumabag ay maaaring ma-disqualify. Binanggit din niya na ang mga botante na tatanggap ng pera o pabor kapalit ng boto ay maaaring makasuhan.