-- Advertisements --

CEBU – Inihayag ng Visayas Command na magsasagawa sila ng security risk assessment sa 158 na lungsod at bayan na nasa ilalim ng election watchlist areas (EWAs) bilang paghahanda sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election sa Oktubre.

Nakipagpulong ang Viscom ng Area Police Command-Visayas sa Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard noong Miyerkules para simulan ang pagbubuo ng mga planong panseguridad para sa darating na halalan.

Sinabi ni Lt. Gen. Benedict Arevalo, Viscom commander, na sa bilang mayroong 63 dito ay nasa Central Visayas na natukoy sa 1st quarter Visayas Joint Peace and Security Coordinating Center meeting.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Lieutenant Colonel Israel Galorio, ang Viscom public information officer, ay mas tututukan nila ang Negros Oriental dahil sa bagong karahasan na ikinamatay ni Gobernador Roel Degamo at walong iba pa.

Sa nasabing bilang, 11 dito ay mula sa Cebu City, 20 mula sa Negros Oriental, 4 mula sa Siquijor at 27 mula sa Probinsya ng Bohol.

Mula sa 158 na lugar, 40 ang nakategorya bilang “areas of concern” habang 92 ang “areas of immediate concern” at 26 ang “areas of grave concern.”