MANILA – Pinadadagdagan pa ng World Health Organization (WHO) ang bilang ng mga participants para sa isasagawa nilang clinical trial ng COVID-19 vaccines sa Pilipinas.
Ito ang inamin ng Department of Science and Technology (DOST) kasabay ng inaasahang pagsisimula ngayong buwan ng tinaguriang “Solidarity Trial.”
Ayon kay Science Usec. Rowena Guevara, mula sa unang target na 4,000 participants, pina-expand ng WHO ang bilang sa 15,000.
“Nung umpisa ang usapan natin with WHO magkakaroon ng 4,000 participants sa Philippines. Ang original na sinabi nating funding ay P89.1-million.”
“Kaso nagbago yung plano ng WHO. 15,000 na yung ating participants at nakahingi tayo ng additional funding na P384.4-million.”
Sa National Capital Region planong isagawa ang clinical trial ng WHO, na siyang health agency ng United Nations.
Noong Disyembre sinabi ng Department of Health na posibleng sa ikatlo hanggang huling linggo ng Enero magsimula ang naturang trial.
Maka-ilang beses nang naurong ang petsa ng pagsisimula ng Solidarity Trial sa bansa, mula sa unang anunsyo na huling linggo ng Oktubre 2020.
Mayroong 12 ospital na kasali sa pag-aaral, na siyang pangungunahan ng Philippine General Hospital sa Maynila.
Ilan sa paghahandang ginagawa ngayon ng ahensya ay ang zoning o pagpili ng mga lugar kung saan gagawin ang eksperimento.
“Nagce-create tayo ng zoning guidelines kasi bukod sa WHO Solidarity Trial, mayroon tayong independent trials, so kailangan natin siguraduhin na hindi mago-overlap yung paggagawaan ng clinical trials sa iba’t-ibang klase ng bakuna.”
Pati na ang information campaign sa komunidad, at data system na maglalaman ng impormasyon ng mga participants.
Paliwanag ni Usec. Guevara, magsisimula sa barangay level ang registration para sa Solidarity Trial.
“Those barangays that have been chosen as trial sites will be where participants will be recruited,” ani Guevara sa isang text message.
“Ang hiling namin sana yung mga lugar kung saan gaganapin ito sana mag-participate at mag-volunteer ang ating mga kababayan.”
Sa ngayon higit 100 bansa na raw, kabilang ang Pilipinas, ang sumali sa inisyatibo ng WHO.