KORONADAL CITY- Agad umanong ililibing bukas ang 16-anyos na batang lalaki at kalabaw nito matapos na binawian ng buhay dahil sa pagkakakuryene dulot ng natumbang poste ng kuryente sa palayan sa bahagi ng Purok Roxas, Brgy. Sampao, Lutayan, Sultan Kudarat.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Manong Edgar Dagum, ama ng biktima, alas-7 kaninang umaga nangyari ang insidente kung saan una umanong nakuryente at natumba ang kalabaw kaya’t nilapitan ng kanyang anak na si Christopher.
Ngunit ng hawakan na nito ang kalabaw ay nakuryente din ito hanggang sa binawian ng buhay.
Napag-alaman na may nakalaylay na wire ng kuryente sa palayan mula sa plangka na hindi umano naayos ang pagkakalagay.
Sa ngayon humihingi ng tulong ang pamilya sa sinumang may mabubuting loob na tulungan sila sa pagpapalibing sa bata dahil sa mahirap lamang ang mga ito.