-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Mistulang binagsakan ng langit at lupa ang pamilya ng isang binata matapos itong nagpatiwakal sa bayan ng Banga, South COtabato.

Kinilala ang naturang biktima na si alyas John, 16 anyos, at residente ng Sitio Candhay, Bo. 6 ng naturang bayan.

Emosyonal na ibinahagi sa Bombo Radyo Koronadal ni alyas Richie, ang ama ni John na natagpuan na lamang na walang buhay at nakalambitin ang kanilang anak sa banana roller sa sakahan.

Ito ay matapos huli niya itong nakitang naglalaro sa cellphone bago natulog matapos nakainom konti at tumingin ng telebisyon.

Ayon kay Tatay Richard, posible umanong nangangamba si John matapos umano nitong mabuntis ang kaniyang 15 anyos na nobya.

Samantala, mangiyak-ngiyak ring inihayag ng ina ng biktimang si alyas Gina na isang responsableng anak si John sa kaniyang magkakapatid lalo na’t ito pa ang nagsasaing at nagpapakain sa kanila.

Ayon kay Gina, na tatanggapin at susuportahan naman nila ang anumang magiging desisyon ng kaniyang anak matapos umano nitong mabuntis ang kaniyang nobya.

Nabatid na isang estudyante ng Alternative Learning System (ALS) si alyas John.

Naulila ng naturang binata ang kaniyang limang nakababatang kapatid kung saan siya ang panganay sa mga ito.