CAUAYAN CITY – Patay ang 16-anyos na binatilyo na tubong La Union makaraang sumalpok ang kinalululanan nitong aluminum wing van sa nakaparadang trailer truck sa pambansang lansangan ng Brgy. Malapat, Cordon, Isabela.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, ang biktima ay si Mark Sasis, 16, at residente ng Poblacion East, Rosario, La Union
Lulan ang biktima ng isang forward truck na may plakang CAY 1078 na minamaneho naman ni Christian Bulan, 37, binata, isang driver at residente ng Gumot, Rosario,La Union
Ang nakaparada at nabanggang forward truck na may plate number na BUA 3276 ay minamaneho ni Donnell James Casipong, 34, may asawa, at residente ng Bliss Village Ilagan City.
Batay sa pagsisiyasat ni M/Sgt. Jackson Dela Cruz ng Cordon Police Station, maayos na ipinarada ni Casipong ang kaniyang minamanehong trailer truck sa kanang bahagi ng kalsada paharap sa direksyon ng Santiago City.
Ipinarada umano ni Casipong ang minamanehong truck upang tulungan din ang kasamahang nagmamaneho din ng trailer truck dahil sirang clutch buster.
Naglagay naman anya siya ng hazard sign board sa likuran ng nasirang sasakyan .
Hindi umano napansin ng nagmamaneho ng aluminum van na si Bulan ang nakaparadang truck ni Casipong sa gilid ng daan sanhi upang mabangga nito ang likurang bahagi ng trailer truck na nagresulta sa pagkakaipit ng biktima
Agad na tumugon ang mga kasapi ng BFP Cordon at Rescue Cordon kasama ang Rescue 1021 ng Santiago City at BFP Santiago kung saan natanggal sa pagkakaisip ang binatilyo na nawalan ng malay.
Nagtamo ng matinding pinsala sa tiyan o abdominal injury ang biktima na naging sanhi ng pagkamatay nito batay sa assessment ng kaniyang attending physician.
Ayon sa paglalahad ng tsuper ng van na si Bulan bigla umanong nanlabo ang kaniyang mata bago mangyari ang insidente at nagulat din umano nang makarinig ng kalabog at naibangga na pala nito ang minamanehong sasakyan.
Kasama ni Bulan ang isa pang pahinante ay iniuwi na nila sa lalawigan ng La Union ang biktima.
Nagkaaregluhan at nagpaabot naman ng tulong ang kompanya nagmamay-ari ng nakaparadang truck na nadamay sa aksidente.