CENTRAL MINDANAO – Patay on the spot ang isang binatilyo sa pamamaril sa lungsod ng Cotabato.
Nakilala ang biktima na si Dailo Patchoy, 16, residente ng Barangay Dalican, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Ayon sa ulat ng Cotabato City Police Office (CCPO), habang naglalakad ang biktima sa Pagalamatan Road, Brgy Tamontaka 1 ng lungsod at patungo sana sa bahay ng kanyang ka-klase nang ito ay pagbabarilin ng riding in tandem suspects gamit ang kalibre .45 na pistola at 9mm pistol.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek patungo sa liblib na lugar sa syudad ng Cotabato.
Nagtamo ng maraming tama ng bala ang biktima sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan kaya agad itong binawian ng buhay.
Sa ngayon ay blangko pa ang mga otoridad sa motibo sa pagpaslang sa binatilyo at patuloy pa silang nag-iimbestiga.