-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Personal na alitan o rido ang natatanaw ng mga otoridad sa pamamaril patay sa isang 16 anyos na lalaki sa Maguindanao.

Nakilala ang binawian ng buhay na si Butucan Taup,16 anyos,may asawa at residente ng Barangay Poblacion Talitay Maguindanao.

Ayon kay Police Corporal Edgar Bolongon ang imbestigador ng Talitay MPS na naglalakad ang biktima pauwi ng kanyang tahanan galing ng palengke ngunit pagsapit nito di kalayuan sa Municipal Hall ay bigla itong pinagbabaril ng dalawang hindi kilalang suspek.

Agad namang tumakas ang mga salarin lulan sa isang motorsiklo.

Naisugod sa Dinaig District Hospital ng mga nagrespondeng pulis ang biktima ngunit agad itong inilipat sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) sa Cotabato City ngunit binawian rin ng buhay nang magtamo ng tama ng bala sa leeg at baba.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Talitay PNP sa pamamaril patay sa biktima.