CENTRAL MINDANAO – Sumuko sa militar ang 16 na mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa lalawigan ng Maguindanao.
Ang sumukong mga rebelde, na pinangunahan ni Kumander Wazire Kumpas, ay iniharap sa mga mamamahayag sa 6th Infantry (Kampilan) Division Headquarters sa Camp Siongco Awang, bayan ng Datu Odin Sinsuat.
Ayon kay Assistant Division Commander, BGen. Juvy Max Uy, 12 sa mga miyembro ng BIFF ay sumuko sa 33rd Infantry Battalion Philippine Army at apat naman sa 40th IB.
Sinabi ni Kumander Kumpas na pagod na sila sa pakikibaka laban sa pwersa ng gobyerno at gusto nang mamuhay ng mapayapa kasama ang kanilang mga mahal sa buhay.
Sinaksihan naman nina MILF Minister Atty. Naguib Sinarimbo at mga alkalde mula sa bayan ng General Salipada K. Pendatun at Sultan Sabarongis ang pormal na pagsuko ng mga rebelde sa militar.
Dala ng mga rebelde sa kanilang pagsuko ang mga matataas na uri ng armas at mga sangkap sa paggawa ng improvised explosive device (IED).
Agad namang nagpaabot ng tulong ang Bangsamoro Government sa mga sumukong BIFF kagaya ng financial assistance at bigas na inabot mismo ni Minister Sinarimbo.
Sa kasalukuyan sa talaan ng 6th ID ay umaabot na sa 115 na BIFF ang sumuko sa Maguindanao at sa probinsya ng Cotabato.