-- Advertisements --
rescue teams iloilo ursula
Typhoon Ursula aftermath (photo from Bombo Iloilo)

(Update) Patuloy ang paglobo ng bilang ng mga nasawi na iniwan ng bagyong Ursula lalo na sa Western Visayas at Eastern Visayas region.

Sinasabing nasa 26 na ang naitalang patay at meron pang ilang mga missing.

Sa ulat ng Bombo Radyo Iloilo umakyat na sa 13 ang bilang ng patay matapos pinakahuling nadagdag sa tala ang magpinsan na sina Ronilo Evangelio, 12 , at LJ De Asis, 13, na tinangay nang rumaragasang tubig-baha sa ilog sa Brgy. Pasayan, Batad, Iloilo.

Ang mga biktima ay natagpuang patay sa nasabing ilog matapos naiulat na missing kasabay ng paghagupit ng bagyo sa lugar.

Una nang nakitang patay ang tiyuhin ng magpinsan na si Roel de Asis at mga anak nila na sina Mimi at Yanyan de Asis.

Napag-alaman na pumunta lang sa bayan ng Batad, Iloilo ang magpamilya matapos dumalo sa lamay ng ama ni Roel.

Nang papunta ang mga ito sa evacuation center, humambalos ang malakas na tubig at tinangay ang mga ito sa ilog kung saan dalawa lang ang nakaligtas.

Sa ngayon, patuloy na pinaghahanap ang isa pang anak ni Roel na si Muymoy, 10.

Labis naman ang galit ng kapatid ni Roel na si Ronel de Asis, matapos sinisi sa insidente kung saan hindi man lang umano nito pinaakyat sa kanyang dalawang palapag na bahay at hinayaan na tangayin ng tubig-baha ang mga namatay na kaanak.

May impormasyon namang nakarating sa PNP sa Camp Aguinaldo na aabot na sa 16 ang nasawi sa Western Visayas.

Samantala sa nakalap namang impormasyon ng Bombo Radyo Tacloban mula kay Sher Ryshiah Saises, civil defense officer-3 ng OCD Region 8, isang pulis na kinilalang si S/Sgt. Charles Pongos, ang naitalang patay sa Malitbog, Southern Leyte.

Batay sa impormasyon habang nagpapatrolya at nagreresponde ito sa kanilang lugar ay natamaan ito ng poste at aksidenteng nakoryente.

Maliban dito, ay isang menor de edad din ang namatay matapos makoryente habang papauwi ito sa kanilang bahay sa Baybay, Leyte.

Pero napaulat naman mula sa Office of Civil Defense na nasa walo na ang nasawi sa Eastern Visayas.

Kabilang pa sa namatay ay dalawang nakoryente at ang isa naman ay tinamaan ng puno ng mangga.

Isa rin ang nasawi nang atakehin sa puso sa kasagsagan ng bagyo.

Isa pa sa biktima ang 70-anyos na si Carlos Yu Beltran ay nalunod nang tangayin ang kanyang bahay ng storm surge sa Balangkayan town sa lalawigan ng Samar.

Nanawagan naman si Eastern Samar Governor Ben Evardone ng dasal para sa missing na limang mangingisda.

Sa lalawigan naman ng Cebu iniulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na isa ang namatay matapos na anurin habang tumatawid sa ilog.

Sa report din ng Bombo Radyo Roxas, umabot na sa apat ang kumpirmadong patay dahil sa pananalasa ng nasabing bagyo sa lalawigan ng Capiz.

Kabilang sa mga namatay ay ang tatlong menor de edad na sina Janine Lacorte, 13, ng bayan ng Mambusao na nalunod; John Dial, 15, mula sa bayan ng Pilar, Capiz na nakita ang bangkay sa Balasan, Iloilo; Eduard Gautane, 12, na nabagsakan ng kahoy ang kanilang bahay habang ito ay natutulog at si Merlinda Delatina, 53, ng Pontevedra, Capiz

Sa kabilang dako, nagpaliwanag ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) hinggil sa mabagal umanong confirmation sa eksaktong bilang ng mga casualty na iniwan ng bagyong.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni NDRRMC-Office of Civil Defense spokesman Mark Timbal hindi naman umano mabagal ang confirmation sa bilang ng mga casualty dahil sa bagyo ngunit binibigyan lamang umano nila ng pagkakataon ang mga rescuers na nasa ground na siguruhin na nailigtas nila ang lahat ng mga residenteng naipit sa mga lugar na malubhang sinalanta ng bagyo.

Idinagdag pa nito na hindi lamang iisang ahensya ang kanilang tinitingnan hinggil sa verification ng bilang ng mga casualty dahil tinitingnan din umano nila ang records ng mga local government unit, mga police reports at records ng mga ospital kung saan dinala ang mga pasyente.

Aniya, sa pamamagitan din umano ng mga nasabing hakbang ay masisiguro na ang kanilang pagkamatay o dahilan ng kanilang pagkakasugat ay dahil sa bagyo.

balasan iloilo
Typhoon Ursula aftermath (photo from Bombo Iloilo)
iloilo ursula killed
Typhoon Ursula aftermath (photo from Bombo Iloilo)
iloilo ursula effect
Typhoon Ursula aftermath (photo from Bombo Iloilo)
Ursula effects iloilo
Typhoon Ursula aftermath (photo from Bombo Iloilo)