CEBU CITY – Kinumpirma ng Department of Health (DOH-7) na tumaas sa 16 ang bilang ng mga patients under investigation (PUIs) habang 36 naman ang under monitoring sa rehiyon dahil sa 2019 novel coronavirus.
Sa naturang bilang, tatlo sa mga patients under monitoring (PUMs) ay nagmula sa Cebu, isa sa Bohol, dalawa sa Negros Oriental, 15 naman sa Cebu City, 11 sa Mandaue City, at apat sa Lapu-Lapu City.
Ayon kay DOH-7 director Dr. Jaime Bernadas na hindi pa nila makumpirma ang official breakdown ng mga PUIs sa Central Visayas nang dahil umano sa mga backlogs.
Napag-alamang hindi kasali sa official count ng DOH Central Office ang apat na PUIs sa lalawigan ng Bohol dahil hindi umano ito umabot sa kanilang cutoff.
Dagdag pa ni Bernadas na kailangang i-verify muna ang mga nakalap na datos patungkol sa mga nahawaan umano ng nCoV batay sa itinakdang criteria.
Nagpaalala naman ang DOH-7 na manggagaling sa kanilang tanggapan ang opisyal na bilang ng mga suspected cases sa 2019 nCoV.