Namataan ang 16 na barko ng Chinese maritime militia sa may Reed Bank habang nagsasagawa ng resupply at patrol mission ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa lugar noong Abril 20 hanggang 22.
Isa umano sa mga barko ay may lulang babae na inilarawan naman ng Philippine Coast Guard na hindi pangkaraniwan.
Dumating din ang barko ng China Coast Guard sa ikalawang araw ng pagpapatrolya ng barko ng PH sa naturang karagatan na may distansiya lamang na 1.5 nautical miles mula sa barko ng BFAR na BRP Datu Pagbuaya.
Bagamat hindi ito lumapit ng husto sa barko ng BFAR o nakipagpalitan ng radio challenge gaya ng nakalipas na mga engkwentro, nagpadala naman ang CCG ng 2 speed boats.
Isa sa speed boats ay naghatid ng personnel nito sa karatig na Chinese maritime militia vessel habang ang isa namang speed boat ay nagtungo malapit sa BFAR vessel para subaybayan ang refueling ng mga bangka ng mga mangingisdang Pilipino.
Naniniwala naman ang mga awtoridad na ang panibagong pagpapakita ng koordinasyon sa pagitan ng 2 entities ay maaaring lalong nagpapatunay na nasa ilalim ng kontrol ng CCG ang Chinese maritime militia.
Sa kabila naman ng mga namataang barko ng China sa may Recto bank, naipamahagi pa rin ng BFAR ang mahigit 24,000 litro ng diesel para sa dose-dosenang fishing boats ng mangingisdang Pilipino sa lugar.