Nasakote ng mga awtoridad ang 16 na kataong nagpapatakbo ng illegal online raffle sa facebook sa isang opisina sa Binan, Laguna.
Ayon sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), nahuli sa akto ng mga operatiba ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group at mga kinatawan ng PAGCOR ang mga suspek na naka-livestream sa ika-50 raffle even ng online page na Lucky Dream 4.
Ayon kay PAGCOR Senior Vice President Raul Villanueva, ang naturang page ay may 111,000 followers na nagsasagawa ng live online raffle games at nag-aalok ng second-hand na motorisklo bilang papremyo kung saan sa isang raffle, nakakakolekta ng grupo ng hanggang P1.8 million.
Nakakabenta din umano ang grupo ng average na 40,000 hanggang 50,000 tickets kung saan ang nagkakahalaga ng P40 bawat ticket.
Kaya’t umaabot pa hanggang sa mahigit P8 million ang kanilang nakukulimbat mula ng simulan nila ang naturang iligal na online operation.
Ang masaklap aniya dito, karamihan sa miyembro ng grupong ito ay mga kabataan kung saan pinakamatanda ay 27 anyos.
Samantala, sinabi naman ni PAGCOR chairman at CEO Alejandro Tengco na ang pag-aresto sa grupo ay parte ng pangako ng state gaming agency na paigtingin pa ang kampaniya laban sa illegal online gambling sa pamamagitan ng pagpapalakas pa ng kolaborasyon sa law enforcement agencies.