Hindi pa rin madaanan ang nasa 16 na kalsada sa Luzon habang nasa 16 iba pang kalsada ang mayroong limitadong access dahil sa pinsalang iniwan ng nagdaang super typhoon Egay base sa ulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ngayong araw, Agosto 3.
Ayon pa sa ahensiya, lahat ng apektadong mga kalsada sa Luzon ay nagtamo ng pinsala gaya ng pagguho ng lupa, pagguho ng pavement dahil sa landslide at baha.
Kabilang dito ang 10 kalsada sa Cordillera Administrative Region (CAR), tatlo sa Ilocos Region, at 3 sa Central Luzon.
Base sa latest assessment ng ahensiya, sumampa na sa P7.051 billion ang partial na halaga ng pinsala sa sektor ng imprastruktura dahil sa nagdaang super typhoon.
Kasama na rito ang naitalang pinsala sa kakalsadahan, nasirang mga tulay at pinsala sa flood control systems.