-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Lubos na kalungkutan an nararamdaman ngayon ng marami sa mga magsasaka sa bayan ng San Miguel, Catanduanes matapos na makitang wala ng buhay ang 16 na mga alagang kalabaw.

Pinaniniwalaan na ito ang unang beses na nagkaroon ng ganitong insidente at bilang ng mga namatay na kalabaw dahil sa pagkalunod sa baha.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Roberto Monterola ang Operations Section Chief, PDRRMO, Catanduanes, hindi umano inasahan ng mga may-ari ng kalabaw na aapaw ang ilog at aabutin ang mga kalabaw na itinali malapit sa ilog.

Paliwanag ni Monterola, hatinggapi kahapon ng magsimulang makaranas ng thunderstorm sa bayan na agad sinundan ng malakas na pag-uulan na tumagal hanggang kinaumagahan.

Dahil dito, nagkarooj ng malawakang pagbaha at nalunod ang nasabing mga kalabaw, kung saan karamihan umano ay natagpuan na sa Bato River.

Maliban sa pagkawala ng kalabaw ay pinuproblema rin ngayon ng mga agsasaka sa San Miguel ang malaking epekto ng baha sa sektor ng agrikultura kung saan 10 mga barangay at 3 sitio ang ngayon ay lubog sa baha.

Ayon sa opisyal, hindi pa alam kung may maisasalba sa mga palay lalo pa’t hindi pa ito maaani.

Samantala, namigay naman ang provincial government ng Catanduanes ng ayuda sa mga mga mangingisda upang hindi na umano ito magpumilit na pumalaot at maiwasan na rin ang kaso ng mga mangingisdang nawawala.