-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Umabot sa labing-anim na mga kandidato pagka-punong barangay sa bayan ng Buenavista, Agusan del Norte ang dinis-qualify ng Commission on Elections o COMELEC 2nd Division matapos kanselahin ang kanilang certificate of candidacy para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan elections ngayong Oktubre a-30.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni COMELEC-Caraga regional director Francisco Pobe na kanilang natanggap kanina ang hard copy ng resolusyon laban sa mga kandidato pagka-kapitan ng barangay Agong-ong, Abilan, Guinabsan, Alubihid, Macalang, Matabao, Malapong, Malpoc, Lower Olave, Talo-ao, Poblacion 1, 3, 4, 7, 9, at 10.

Nai-file umano ang disqualification cases matapos ang kanilang pag-file din ng certificate of candidacy o COC.

Ayon kay Atty. Pobe, nag-ugat ito sa umano’y pekeng certificate of candidacy dahil sa pagpapa-notaryo nila sa hindi otorisadong tao o hindi abogado na inamin naman mismo ng mga respondents.