DHAKA, Bangladesh – Naglabas na ng hatol ang korte sa Bangladesh para mabitay ang 16 kataong sangkot sa panununog at pagpatay kay Nusrat Jahan Rafi, 19.
Nangyari ang krimen noong Abril 2019 sa bayan ng Feni, 160 km mula sa capital city na Dhaka.
Sinasabing nangyari ang pagsunog kay Nusrat matapos nitong ireklamo nang sexual harassment ang kaniyang gurong si Siraj Ud Doula.
Tinakot umano ito ng ilang nakasuot ng “burka” para lamang iurong ang kaso laban sa nasabing guro.
Pero nang hindi pumayag ang dalaga, sinabuyan siya ng gaas at sinunog.
Pinagmukha pa umano ng mga salarin na suicide ang ginawa ni Nusrat, ngunit na-rescue ito at nakapagbigay pa ng testimonya, kung saan ilang umatake sa kaniya ang napangalanan, na nakunan pa ng cellphone video.
Pagkatapos ng apat na araw ay tuluyan na ring pumanaw ang biktima, lalo’t 80 porsyento ng katawan nito ang napinsala ng sunog. (BBC)