Umabot sa 16 katao ang nasawi habang dalawa ang malubhang nasugatan sa nangyari umanong pag-atake sa isang moske sa hilagang bahagi ng Burkina Faso.
Ayon sa mga security sources, sinalakay ng armadong mga kalalakihan ang Grand Mosque sa Salmossi nitong Biyernes ng gabi.
Sa nasabing paglusob umano ay 13 katao ang namatay sa mismong lugar ng insidente, at tatlo ang binawian ng buhay kalaunan.
Lumikas din daw ang mga residente sa Salmossi makaraan ang pangyayari.
Nabatid na daan-daang katao na ang napapatay sa nasabing bansa sa loob ng ilang taon, na sinasabing pakana ng mga jihadist groups.
Sa kasalukuyan, wala pang grupong umaako ng responsibilidad sa pagsalakay.
Nitong nakaraang linggo nang mapatay ang 20 katao sa pag-atake sa isang minahan ng ginto sa naturang bansa. (AFP/ BBC)