Umakyat na sa kabuuang 16 na mga OFWs ang nahawa sa coronavirus sa Hong Kong matapos na madagdagan ang tatlo pang mga Pinoy na nagpositibo.
Ito ang kinumpirma ngayon ng Philippine Consulate General sa Hong Kong.
Ang naturang impormasyon ay ipinaabot umano ng Hong Kong health department sa consulate kaugnay sa mga panibagong kaso.
Dahil dito muling nagpaalala ang Philippine Consulate General sa Filipino community sa Hong Kong na manatili lamang sa kanilang mga tinitirhan, umiwas sa matataong lugar at panatilihin ang social distancing.
Nakiusap din naman ang konsulada ng Pilipinas sa mga employers na kilalanin din ang rest day ng mga domestic helpers sa pamamagitan nang pananatili muna sa loob ng bahay.
Kasabay nito muling tiniyak ng consulate sa mga OFW ang assistance sa kanilang mga pangangailangan.