KORONADAL CITY – Nasa outbreak level na ang kaso ng dengue sa pitong bayan sa probinsya ng South Cotabato.
Ayon kay Dr. Rogelio Aturdido Jr., provincial health officer ng South Cotabato, kinabibilangan ito ng lungsod ng Koronadal, Norala, Polomolok, Sto. Nino, Surallah, Tampakan at Tantangan.
Nakatakda din umanong magdeklara ng state of calamity ang mga bayan ng Surallah at Tantangan dahil sa dengue.
Napag-alamang umabot na sa 2,766 ang kaso ng dengue sa South Cotabato mula Enero hanggang Hunyo 29 kung saan 16 na ang namatay.
Sakali umanong makapag-deklara ng state of calamity ang dalawang bayan, magiging daan din ito upang isailalim sa state of calamity dahil sa dengue ang buong lalawigan.
Sa ngayon, sinabi ni Aturdido na aksiyon ang kailangan upang mapigilan ang pagdami ng kaso ng dengue at wala nang mamatay dahil sa sakit.
Hinimok din nito ang publiko na panatilihing malinis ang paligid at puksain ang posibleng pamugaran ng lamok na may dalang dengue.