-- Advertisements --

Labing-anim na katao ang pinaniniwalang patay sa isang nursing home sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan sa isla ng Kyushu sa Japan na nagdulot ng mga pagbaha at pagguho ng lupa.

Ayon kay governor Ikuo Kabashima sa rehiyon ng Kumamoto, natagpuan daw ang mga biktima na nasa “cardio-respiratory arrest” sa nasabing pasilidad para sa mga matatanda na binaha.

Kadalasang ginagamit ng mga otoridad sa Japan ang nasabing termino bago opisyal na sertipikahan ng doktor na patay na ang isang biktima.

“The Self-Defense Forces have launched rescue operations,” wika ni Kabashima.

Batay sa lumabas na ulat, nasa 60 hanggang 70 katao ang nananatili sa pasilidad nang rumagasa ang tubig sa ikalawang palapag ng establisimento.

Maliban dito, may isa pang indibidwal na natagpuan ang mga kinauukulan ang nasa cardio-respiratory arrest matapos ang landslides sa Kumamoto.

Pinalikas na rin ang nasa 203,000 residente na lumikas muna sa kani-kanilang mga tahanan.

Kasabay nito, hinimok ni Prime Minister Shinzo Abe ang kanilang mga mamamayan na maging alerto bunsod ng sitwasyon.

Ipinag-utos na rin ni Abe ang agarang deployment ng nasa 10,000 tropa na naka-standby para tumulong sa rescue and recovery operations. (AFP/ BBC)