ILOILO CITY – Hinatulan ng Ombudsman na guilty sa kasong simple misconduct at pinatawan ng isang buwang suspensiyon ang 16 na pulis kabilang na rito ang apat na PNP officials na sangkot sa pag-aresto sa dalawang bodyguards ni dating Iloilo City Councilor Plaridel Nava noong 2019.
Matandaan na nagsampa ng kasong Grave Misconduct, Grave Abuse of Authority and Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service si Nava kaugnay sa warrantless arrest ng Iloilo City Police Office laban sa kanyang mga bodyguards na sina Roy Delos Reyes at Rex Delos Reyes na tinuro noon na mga suspek sa pag-ambush sa kanyang pinsan na si Mercedes “Gingging” Nava at isang kasama nito.
Sa 16 na pulis, kabilang dito ang apat na opisyal na sina dating ICPO director Col Martin Defensor; dating precint commander ng Mandurriao PNP na si PLt Col Marlon Valencia, PLt Col Godfrey Buslotan at PLt Col Jonathan Pablito at 12 iba pa.
Kasama rin sa pinasuspend ay sina PSsgt Vernie Escorial at PSSgt Ricardo Morante na involved sa twin shooting kung saan isa sa kanilang pinatay ay si Delfin Britanico na anak ni dating Iloilo assemblyman at Banat Partylist representative Salvador Britanico.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay dating Councilor Nava, sinabi nito na bagamat tinuturing niyang panalo ang nasabing desisyon ng ombudsman, plano pa rin nitong maghain ng motion for reconsideration dahil ayon sa kanya, nararapat na ma-dismiss sa serbisyo ang nasabing mga pulis.