Umabot sa 1,603 tonelada o katumbas ng 53,451 sako ng basura ang nalikom at natanggal ng Department of Environment and Natural Resources- Pasig River Coordinating and Management Office.
Ito ay matapos nilang isagawa ang clean-up operation sa Pasig River System mula Enero hanggang Mayo ng taong kasalukuyan.
Ayon sa ahensya, ang nasabing paglilinis ay regular umano nilang ginagawa at nasa 163 Environmental Aides (EAs) o mga “River Warriors” ang inaatasan nila upang masiguro na walang anumang basura o floating debris sa naturang ilog.
Habang maigting namang nakikipagtulungan ang Pasig River Coordinating and Management Office sa Philippine Coast Guard (PCG), National Government Agencies (NGAs) at maging sa mga Local Government Unit upang matagumpay na maisagawa ang multi-sector clean-up activities at community clean-up drives.
Samantala, patuloy namang hinikayat ng Department of Environment and Natural Resources ang publiko na makiisa at makibahagi sa pagpapanatili ng kalinisan, proteksyon at rehabilitasyon ng Ilog Pasig.