-- Advertisements --

Pinag-iingat ng Office of Civil Defense (OCD) ang nasa higit 644,487 na mga residente sa 162 na barangay sa 12 munisipalidad sa Negros Occidental sa mga maaaring banta ng lahar sa lugar dahil sa patuloy na pag-ulan sa rehiyon.

Sa isang pahayag, nagbigay ng paalala si OCD Western Visayas Director Raul Fernandez na dapat maging mapagmasid at handa ang mga residente dahil sa sama ng panahon na siyang patuloy na nararanasan sa Negros.

Naaapektuhan kasi ang rehiyon ng isang bagyo sa silangang-timog silangan ng Tagum City sa Davao Del Norte.

Dahil dito ay inaasahan ng pamunuan ng OCD Western Visayas at karatig na lugar na magdadala ito ng malalakas na ulan na mas makakapagpataas ng tyansa ng pagbaha, landslides at lahar lalo na sa mga lugar sa paligid ng bulkang Kanlaon.

Inisa-isa naman ang mga lugar na maaaring maapektuhan at kabilang dito ang Bago City, La Carlota, Pontevedra, Pulupandan, San Enrique, Vallaloid, Binalbagan, Himamaylan, Hinigaran, Isabela, La Castellana at Moises Padilla.

Ibayong pag-iingat naman ang paalala ng OCD sa mga residente sa mga naturang lugar habang patuloy din ang kanilang monitoring sa lagay ng panahon at sa aktibidad ng Kanlaon.