May kabuuang 16,261 indibidwal ang nananatili pa rin sa 73 evacuation centers sa Davao at Caraga Regions kasunod ng pagbaha at pagguho ng lupa sa Mindanao, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Iniulat din ng NDRRMC na 273,543 katao, o 91,843 pamilya, ang humingi ng pansamantalang tirahan sa labas ng mga evacuation center.
Apektado ng baha at pagguho ng lupa ang 1.5 milyong katao sa 881 barangay sa Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, Caraga, at BARMM.
Nagtala ang Department of Agriculture ng P558.3 milyon na pinsala, na nakaapekto sa 19,071 magsasaka at mangingisda.
Habang ang National Irrigation Administration naman ay nag-ulat ng P454.6 milyon halaga ng pinsala sa Davao Region lamang.
Umabot din sa P827.1 milyon ang pinsala sa imprastraktura.
Kasabay nito, mayroong 1,762 bahay ang nasira dahil sa mga sakuna – 1,011 bahay ang partially damaged at 751 ang totally damaged.
Habang walumpung kalsada at 16 na tulay ang nanatiling hindi madaanan sa iba’t ibang bahagi ng Davao Region at Caraga.
Ayon pa sa NDRRMC, may kabuuang P254,911,720 halaga na ng tulong ang naibigay sa mga apektadong residente. Kasama sa tulong ang mga family food packs, tubig, mga hygiene kit, medical supplies, modular tents, at mga sleeping kit.
Nauna nang iniulat na ang mga pagbaha at pagguho ng lupa ay dulot ng pinagsamang epekto ng Northeast Monsoon (Amihan) at ng isang low-pressure area na ngayon na nasalanta ang Mindanao mula Enero 28 hanggang Pebrero 3.