-- Advertisements --

Isinumite ng Armed Forces of the Philippines Center for Law of Armed Conflict (AFPCLOAC) sa Commission on Human Rights (CHR) ang listahan ng karagdagang 166 kaso ng paglabag sa International Humanitarian Law (IHL) ng CPP-NPA.

Ang bagong listahan ay kinabibilangan ng 16 insidente ng pag-recruit at pag gamit ng child combatants, 10 insidente ng paninira ng pribadong ari-arian, 113 insidente ng pag-gamit ng anti-personnel mines (APM), 20 insidente ng willful killings at 7 iba pang IHL violations.

Ayon kay AFPCLOAC Director BGen Joel Alejandro Nacnac, ang mga pinakahuling naitalang insidente ay bukod pa sa unang isinumite ng AFP sa CHR na listahan ng 1,506 IHL violations na na-monitor mula 2010 hanggang 2020.

Ang unang listahan ay isinumite rin ng AFPCLOAC sa PNP-Criminal investigation and Detection Group (CIDG) Noong Oktubre 6 para sa imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.

Ayon kay Nacnac, inaasahan nilang mas lalo pang tataas ang bilang ng paglabag ng CPP-NPA sa IHL dahil sa kanilang patuloy na pagtatangkang pabagsakin ang gubyerno sa pamamagitan ng paghahasik ng terorismo.

Ang CPP-NPA ay nakalista bilang teroristang organisasyon sa European Union, United Kingdom, United States, Australia, Canada, New Zealand at Pilipinas.