-- Advertisements --
image 77

Ibinunyag ng Commission on Audit (COA) na nasa 166 sasakyan ng Philippine Ports Authority (PPA) na nagkakahalaga ng mahigit P219 million ang hindi rehistrado, walang angkop na markings at walang government license plates.

Sa 2022 audit report ng komisyon, sinabi ng state auditors na ang mga hindi rehistradong mga sasakyan ay walang “For Official Use Only” at “Philippine Ports Authority” markings.

Kung kayat ang kawalan aniya ng nasabing markings ay paglabag sa COA Circular No. 75-6 at PPA Memorandum Circular No. 06-2004.

Nakasaad sa naturang circulars na dapat mayroong nakalagay na markings at government plates ang lahat ng mga sasakyang pagmamay-ari ng gobyerno, mga ahensiya nito at instrumentalities.

Pero ayon sa COA bigo ang PPA na sumunod dito kung kayat hinikayat ng state auditors ang PPA na paspasan ang pagpaparehistro ng lahat ng kanilang mga sasakyan na hindi pa rehistrado sa ilalim ng PPA sa head office at Port Management Offices.

Kailangan din aniya na sumunod ang PPA sa required markings at paggamit ng plaka ng gobyerno para sa lahat ng mga sasakyan nito maliban sa mga nakatalaga sa general manager, assistant general managers, at assistant to the general manager na mayroong security plates.