Mas mababa ngayon ang naitala ng Department of Health (DOH) sa mga bagong kaso ng COVID-19 kumpara sa nai-record nitong nakalipas na Martes.
Ito ay makaraaang maitala ang 16,989 na karagdagang kaso na nahawa sa virus sa Pilipinas.
Nilinaw naman ng DOH na ang record ngayon ay bunsod ng mas mababang laboratory output.
Sa ngayon ang mga nagka-COVID sa Pilipinas mula noong nakaraang taon ay umaabot na sa 2,283,011.
Napakarami naman ang mga bagong gumaling na nasa 24,123.
Pero meron pa ring maraming aktibong kaso na nagpapagaling pa sa iba’t ibang dako ng bansa na umaabot sa 170,446.
Sa kabuuan ang mga nakarekober sa coronavirus sa bansa ay umaabot na sa 2,076,823.
Gayunman nadagdag sa listahan na mga bagong namatay ay sa 214.
Ito na ang pangalawang sunod na araw na mahigit sa 200 ang mga nadadagdag na mga pumanaw bunsod ng deadly virus.
Ang death toll sa bansa ay nasa 35,742 na.
Habang mayroong apat na laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System.
“Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso sa bansa, 7.5% (170,446) ang aktibong kaso, 91.0% (2,076,823) na ang gumaling, at 1.57% (35,742) ang namatay,” ani DOH advisory. “Ayon sa pinakahuling ulat, lahat ng mga laboratoryo ay operational noong September 13, 2021 habang mayroong 4 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS). Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 4 labs na ito ay humigit kumulang 1.1% sa lahat ng samples na naitest at 1.0% sa lahat ng positibong mga indibidwal.”