LA UNION – Patay ang isang 17-anyos na estudyante mula Baguio City matapos malunod sa karagatan na sakop ng Barangay Samara, Aringay, La Union.
Ang biktima ay nakilalang si Brandon Cassey Dunglay Nalica, residente ng Loakan, Itogon, Benguet.
Sa panayam ng Bombo Radyo La Union kay PCapt. Carlos Mamitag, deputy chief-of-police ng Aringay Police Station, sinabi nito na nagkaroon ng salu-salo o family reunion ang pamilya ng biktima, sa Samara Beach.
Bago aniya nangyari ang insidente, ipinagpa-alam pa ng lola ng biktima sa kanyang ama sa Baguio City, na magbi-beach ang mga ito.
Sinabi naman ni Mamitag, na hindi sila nagkulang ng paalala sa mga beach cottage owners at sa mga beachgoers, na huwag pang lumusong sa karagatan, ngunit hindi umano napigilan ang biktima kasama ang isa nitong pinsan na maligo sa dagat.
Ayon kay Mamitag, posibleng hinila ng malakas na alon ng dagat ang magpinsan, at suwerteng nakaligtas ang isa dahil marunong itong lumangoy habang si Brandon ay hindi.
Nangyari ang insidente bandang ala 1:45 ng hapon, Agosto 5, at narekober ang bangkay sa pamamagitan ng mga rumespondeng pulis, PCG personnel, Maritime, at MDRRMO bandang alas 7:01 ng gabi.
Dinala ang biktima sa pinakamalapit na pagamutan ngunit idineklarang patay na.
Mula sa pagamutan, dinala ang bangkay sa isang punerarya sa Aringay bago iuwi sa Baguio City.