LEGAZPI CITY – Naisampa na ang kasong homicide matapos ang isinagawang inquest proceeding ng pulisya sa Oas, Albay sa insidente ng pamumukpok ng menor de edad sa sariling kapatid.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay P/SMSgt. Teresa Malto, chief investigator ng Oas PNP, nai-turnover na ang kaso sa PNP Women and Children’s Protection Desk (WCPD) habang isasailalim sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 17-anyos na dalagita.
Sa imbestigasyon ng kapulisan, nagtipon-tipon umano ang mga ito sa bahay sa Brgy. Nagas upang ipagdiwang ang ika-60 kaarawan ng ina.
Hapon pa nang mag-umpisang mag-inuman ang mga bisita at biktima na edad 33-anyos subalit nag-amok umano ito nang sumapit ang gabi.
Tinangkang saktan ang ina kaya’t umawat rin ang mga kapatid na babae.
Nang hindi mapigilan maging ang bahay ang sinira nito kaya’t nagsialisan na lamang ng ibang kapatid.
Nawalan naman ng malay ang ina subalit nang magising nakita nito nang pukpukin ng anak na dalaga ang kuya sa batok na nawalan rin ng malay.
Dinala pa sa ospital ang biktima subalit binawian rin ng buhay.
Napag-alaman naman na dati nang nag-aamok ang biktima kung nalalasing habang mismong ang ina ng suspek at biktima ang naghain ng kaso.