-- Advertisements --
250px Ph locator negros occidental bacolod

(Update) BACOLOD CITY – Naibalik na sa kanyang mga magulang ang 17-days old na sanggol na baby boy na tinangay ng isang babae sa lungsod ng Bacolod nakaraang Lunes.

Kinumpirma ni Major Jovil Sedel, hepe ng Police Station 1, dakong alas-9:45 kagabi nang dinala sa kanilang istasyon ang sanggol ng nakakatandang kapatid na babae ng suspek na tumangay sa bata.

Natukoy naman ang suspek na si Angelie Gonzales, 23, ng Hacienda Defuego Dos, Brgy. Dos Hermanas, Talisay City, Negros Occidental.

Ayon sa hepe, mismo ang nanay ng suspek ang nagbigay alam sa mga kapatid nito sa Bacolod na may dinalang sanggol ang kanilang kapatid nang umuwi ito sa kanilang bahay noong nakaraang Lunes.

Dito na rin nag-alala ang mga kapatid ng suspek at kinumpirma ang impormasyon kaya’t umuwi ang mga ito sa Talisay City.

Alas-7:00 kagabi nang umalis ang kapatid ng suspek sa kanilang bahay at kinumbinsi ito na sumuko na lang ngunit tumakas ito.

Base naman sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod na ayaw nang ipasapubliko ang pangalan, wala silang alam sa intensyon ng kanilang kapatid nang tinangay nito ang bata mula sa kanyang ina na si Mary Grace Goto, 24, ng Hacienda Teresita, Barangay Granada, Bacolod City.

Ngunit ayon sa ate, na-depress ang suspek simula ng makunan ito ilang buwan na ang nakaraan at ito rin ang rason kung bakit nagpapa-check up ito sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital kung saan sila unang nagkita ng mag-ina.

Sa paghaharap naman ng ina ng sanggol at kapatid ng suspek, todo ang pasasalamat nito na naibalik na ang kanyang anak ngunit desidido ito na sampahan ng kaso si Gonzales.

Maalalang tinangay ng suspek ang sanggol matapos itong nagpakilalang kamag-anak ng mag-ina na kanyang dinala sa isang salon at niyayang magpa-rebond na kanyang babayaran.

Ngunit habang busy ang ina sa pagpapa-rebond tinangay na ng suspek ang sanggol.