BACOLOD CITY – Itinakas ng isang babae na nagpakilalang kamag-anak ng ina ang 17-day-old na sanggol na lalaki sa lungsod ng Bacolod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Major Jovil Sedel, hepe ng Bacolod Police Station 1, nanggaling sa ospital kahapon ang mag-inang kinilalang sina Mary Grace Goto, 24, at baby William na mga residente ng Hacienda Teresita, Barangay Granada sa nasabing lungsod upang magpa-check up.
Pauwi na sana ang mga ito nang bigla na lang mayroong nagpakilala kay Mary Grace na kaanak umano nito.
Hinikayat ng suspek ang ina na magpa-rebond ng buhok kaya’t pumunta sila sa isang mall sa reclamation area.
Wala silang nahanap sa salon doon kaya’t pumunta sila sa isang salon sa Luzuriaga-San Juan Street.
Pumasok ang ina sa loob ng salon at nagpaayos ng buhok samantalang nasa labas naman ang suspek habang akay-akay nito ang sanggol.
Ayon kay Mary Grace, nagpaalam ang babae na bibili ng pagkain kasama ang baby ngunit hindi nakabalik ang mga ito pagkalipas ng isang oras.
Nanawagan naman ang ama ng sanggol na si Wilmer Goto sa suspek na ibalik na ang kanilang anak.
Sa ngayon, nakakuha na ng CCTV footage mula sa mall ang mga otoridad kung saan makikitang nakasuot ang suspek ng itim na t-shirt, itim na shorts at itim na sapatos.