CEBU CITY – Umabot sa 17 estudyante ang nakaranas ng umano’y hyperventilation sa loob ng Canasujan National High School sa lungsod ng Carcar, Cebu.
Ayon kay Kim Lauron ng Carcar City Disaster Risk Reduction Management Office, isang hindi na pinangalanang estudyante ang sumali sa kanilang “Festivals of Festivals” para sa Charter Day ang bigla umanong natumba habang nananaghalian at doon na nagsimulang magwala na tila raw sinasaniban ng masamang espiritu.
Iilang minuto pa umano ang nakalipas, marami nang mga estudyante ang nagwawala at nagsusuka kaya naman isinugod ang mga ito sa pinakamalapit na ospital.
Napag-alaman na hyperventilation umano ang nangyari at talagang mahahawaan nito ang sinumang lumapit sa nakararanas nito.
Inaalam pa rin ngayon ang tunay na dahilan ng insidente habang stable na ang kondisyon ng naturang mga mag-aaral.