Sinampahan na ng kaukulang kaso ang labing pitong foreign national na naaresto matapos ang ikinasang operasyon ng National Bureau of Investigation sa isang cyber scam hub noong Oct. 11 sa lungsod ng Makati.
Sa isang press conference, sinabi ni NBI Director Jaime B. Santiago na natapos na kasi ang inquest procedings laban sa mga ito.
Ayon kay Santiago, iniharap ang mga ito sa Makati City Prosecutor’s Office dahil sa paglabag sa Republic Act (RA) 12010 o mas kilala sa Anti–Financial Account Scamming at paglabag sa RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Kabilang sa mga na inquest at sinampahan ng kaso ay 15 Chinese nationals, isang Malaysian at isang Taiwanese.
Kasabay ng isinagawang operasyon ng NBI, nakumpiska nila ang ilang electronic devices na kinabibilangan ng desktop computers, laptops at cellphones .
Ang mga ito ay pinaniniwalaang ginagamit sa ilegal na aktibidad ng grupo.
Naniniwala rin si Santiago na ang mga ito ay maaaring nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators.
Kung maaalala, mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr, ang nag-utos sa pagpapatigil sa lahat ng operasyon ng POGO sa bansa bago matapos ang taong ito.
Nagbigay rin ang Bureau of Immigration ng ultimatum sa lahat ng mga foreign POGO workers na boluntaryong i downgrade ang kanilang VISA bilang tourist visa ngayong araw lamang.