Umaabot sa 17 katao ang napatay sa itinuturing na deadliest day sa isinasagawang kilos protesta laban sa gobyerno ng Peru para sa panawagan na pagdaraos ng early elections at pagpapalaya sa nakakulong na dating Pangulo na si Pedro Castillo.
Nangyari ang naturang kaguluhan sa Juliaca, isang kabisera malapit sa banks ng Lake Titicaca sa southern Peru Puno region na nag-iwan ng 68 kataong sugatan.
Ayon sa Health ministry ng rehiyon, ilan sa mga biktima ay may mga tama ng bala.
Dahil sa panibagong casualties, umakyat pa ang death toll sa 39 mula sa anti-government clashes kabilang ang mga nasawi sa hanay ng security forces simula ng mag-umpisa ang pagproprotesta noong unang bahagi ng Disyembre matapos na masibak at maaresto si Castillo nang tangkain nitong buwagin ang Kongreso.
Kasalukuyang isinisilbi ng Ex-Peru president ang 18 buwang pre-trial detention nito sa isinampang kasong rebelyon na kaniya namang itinanggi.