CEBU CITY – Nilinaw ngayon ng Department of Health (DOH-7) na walang dapat na ikabahala ang 26 na Korean-nationals dahil negatibo ang mga ito sa Coronavirus Disease o COVID-19.
Ayon kay Dr. Jaime Bernadas, ang regional director ng DOH-7, na nakauwi na ang 17 sa mga turista mula sa Daegu City habang ang walo naman ay mas piniling sumailalim muna sa self-quarantine.
Samantala, nasa jurisdiction naman ng Region 3 ang isa pang Korean national.
Binabantayan ngayon ng Provincial Health Office at mga local health workers ang kalagayan ng nasabing mga turista.
Dagdag pa ni Bernadas na walang nakikitang sintomas ang nasabing mga turista na dumating sa Cebu noong Pebrero 25.
Tiniyak naman ng regional director na nakahanda naman ang mga pasilidad kung may indibidwal na nagkaroon ng sintomas ng coronavirus.
Batay sa datos ng DOH-7, nasa 183 na pasyente ang kasalukuyang inoobserbahan at pito ang patients under investigation (PUI).