Sinentensiyahan ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkabilanggo ang 17 miyembro ng Abu Sayaff na nasa likod ng pag-kidnap sa 21 dayuhan kabilang ang 2 Pilipino noong taong 2000 sa Sipadan resort Island, Malaysia.
Sa 157-pahinang ruling na inilabas ng Taguig RTC Branch 153, napatunayan ng korte na guilty ang 17 miyembro ng Abu Sayyaf sa 21 bilang ng kidnapping at serious illegal detention with ransom.
Ang bawat isa ay hinatulan ng reclusion perpetua, katumbas ng 20 hanggang 40 taong pagkakakulong, para sa bawat bilang.
Ilang kilalang lider ng Abu Sayyaf ang convicted sa kaso kabilang sina Galib Andang (alias Commander Robot) at Nadjmi Sabdulla (alias Commander Global), na namatay na sa tangkang pagtakas sa kulungan noong 2005 sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City. Ang kanilang pagkamatay ay humantong sa pagbasura ng mga kaso laban sa kanila, dahil ang parehong criminal at civil charges ay napapawalang saysay kapag namatay na ang akusado.
Kabilang din sa mga hinatulan ay sina Hilarion del Rosario Santos III, founder ng Rajah Solaiman Movement, at Redendo Cain Dellosa, na parehong nakalista sa United Nations Security Council para sa kanilang mga koneksiyon sa mga teroristang grupo tulad ng Al-Qaida at Jemaah Islamiyah ni Osama Bin Laden.
Una rito, taong 2000 dinukot ng mga miyembro ng teroristang grupo ang 10 dayuhang turista at 11 resort workers saka dinala at binihag sa Abu Sayaff base sa Jolo, Sulu para magdemand ng ransom mula sa kanilang mga pamilya at sa gobyerno ng Pilipinas. Unti-unting pinakawalan kalaunan ang mga bihag matapos pumagitna ang Malaysian government, Libyan leader at opensiba ng Philippine Armed Forces sa Jolo.