-- Advertisements --

Umakyat pa sa 17 ang bilang ng mga namatay dahil sa pagtama ng malalakas na mga lindol sa Mindanao nitong Martes at Huwebes.

Sa pinakahuling report mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nananatiling tatlo ang casualties sa Region 11, ngunit 14 na ang naitala nila sa Region 12.

Sa Davao del Sur, kinilala ang mga nasawing biktima na sina Jessie Riel Parba; Benita B. Saban; at Romulo Naraga; habang sa South Cotabato naman ay ang 66-anyos na si Nestor Narciso, at si Marcelo Tare.

Ang mga namatay naman sa Cotabato ay sina Samuel Linao; Renee Corpuz; Marichelle Morla; Patricio Lumayon; Pao Zailon Abdulah; Isidro Gomez; Cesar Benjie Bangot; Romel Galicia; Priscilla Varona; Juve Gabriel Jaoud; at Tessie Alacayde.

Samantalang sa Sultan Kudarat ay natukoy ang nasabing biktima na si Lito Peles Mino.

Ayon pa sa NDRRMC, bumaba pa sa 307 ang bilang ng mga sugatan mula sa unang napaulat na 403, habang dalawa pa rin ang nawawalang mga indibidwal.

Nakararanas din umano ang mga residente ng pagkawala ng suplay ng kuryente dahil sa wala pang power supply ang 13 sa 18 local government units (LGUs) sa Cotabato Province at dalawa mula sa 12 LGUs sa Sultan Kudarat nitong Biyernes ng hapon.

Tumaas naman sa 3,365 ang bilang ng mga nasirang imprastraktura sa mga Rehiyon ng Zamboanga, Northern Mindanao, Davao, at SOCCSKSARGEN.