-- Advertisements --

Nananatili pa rin ang nasa 17 Pilipino sa police station ng Qatar matapos arestuhin dahil sa pagra-rally.

Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) USec. Eduardo de Vega, nasa isang oras ang layo ng naturang police station kung saan dinala ang mga inarestong Pinoy mula sa kabisera ng Doha.

Pinapunta naman na aniya ang kanilang mga opisyal sa naturang istasyon at kanila itong imomonitor at patuloy na makikipag-ugnayan sa kaganapan doon.

Matatandaan, nitong Biyernes, nauna ng kinumpirma ng Embahada ng Pilipinas sa Doha, Qatar na ilang mga Pilipino ang inaresto at ikinulong dahil sa pagsasagawa ng hindi awtorisadong political demonstrations.

Bagamat hindi tinukoy ng Embahada kung may kinalaman ito sa malawakang mga protestang inilunsad kasabay ng ika-80 kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kahapon, sinabi ni USec. De Vega na posibeng ito ang dahilan kaya nag-rally ang nasabing mga Pilipino.

Muli namang nagpaalala ang DFA official sa lahat ng mga Pilipino sa Qatar na irespeto ang batas ng naturang bansa at mga kaugalian kaugnay sa malawakang kilos protesta at pagpapahayag ng political grievances.

Tiniyak naman ni De Vega na tutulungan ng Embahada ng Pilipinas sa Qatar ang mga Pilipinong inaresto.